MANILA, Philippines — Naibalik na ang kanang hinlalaki ni Philippine Navy Seaman First Class Jeffrey Facundo matapos maputol nang banggain ng China vessels ang barko ng Pilipinas sa Ayungin Shoal nitong Hunyo.
“I would like to report na na-restore na po ‘yung thumb, ‘yung daliri ng sundalo natin with the help of our doctors, our partners like the Makati Medical Foundation”, pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner.
“Naibalik na po ‘yung kaniyang daliri. It’s now functioning well, normally. I think mga two months ago na naibalik, the surgery was done free of charge,” ayon sa Chief of Staff.
Sinabi ni Brawner na mataas ang moral na muling nakabalik sa kaniyang duty sa WPS si Facundo matapos itong gumaling.
Magugunita na noong Hunyo 17 ay binangga ng China Coast Guard (CCG) na armado ng mga itak, pana, palakol at iba pang patalim ang bangka ng Philippine Navy na nagsasagawa ng rotation at resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal bunsod upang maputulan ng kanang hinlalaki sa kaniyang mga daliri si Facundo.