MANILA, Philippines — Bilang pag-alaala sa mga biktima ng bagyong Kristine, idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Nobyembre 4, 2024 bilang National Day of Mourning.
Sa Proclamation No. 728 ng Pangulo, inaatasan nito ang lahat ng establisimyento na may bandila na ilagay ito sa half mast.
Bukod dito, hinihikayat din ang lahat na mag-alay ng panalangin para sa mga biktimang naapektuhan ng kalamidad.
Ang proklamasyon ay nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Oktubre 30.
Base sa datos na nakapaloob sa inilabas na proklamasyon ay umaabot sa mahigit 1.7 milyong pamilya ang naapektuhan ng bagyong Kristine.
Habang nasa mahigit 100 katao naman ang naiulat na nasawi dahil sa bagyo.