MANILA, Philippines — Umaabot na sa 249 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity habang pumalo na sa 2.1 milyong pamilya o 8.6 milyon katao ang apektado ng pananalasa ng bagyong Kristine at super typhoon Leon.
Sa report ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno, ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ang may pinakamaraming lugar na inilagay sa state of calamity na nasa mahigit 150.
Pumapangalawa ang Bicol Region, 84 lugar at pangatlo ang Eastern Visayas,13.
Ang Bicol Region partikular na ang Camarines Sur at Albay ang grabeng napuruhan ng bagyong Kristine sanhi ng malalalim na pagbaha gayundin ang CALABARZON na nakapagtala ng landslide sa Talisay City, Batangas na ikinasawi ng 19 katao.
Samantala ang Bicol ang may pinakamalaking bilang ng naapektuhang mga residente na nasa 721,885 pamilya o mahigit 3 milyon matao; Central Luzon na 331,849 pamilya o 1.09 milyon katao at CALABARZON na 241,000 pamilya o 1.01M katao.
Nasa 146 naman ang nasawi kay Kristine, 91 nasugatan at 19 nawawala.
Ang pinsala sa imprastraktura ay P7,352,116,526.45 habang sa agrikultura ay umabot na sa P4,437,215,186.87.
Naitala naman sa 178,747 kabahayan ang napinsala kung saan 164,146 ang bahagyang nasira habang 14,601 ang tuluyang nawasak.
Iniulat din ng NDRRMC na nakapamahagi na ng P713.1 milyong halaga ng sari-saring ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektadong pamilya hanggang nitong Undas.