MANILA, Philippines — Umaabot na sa 166,000 burial assistance ang naipagkaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng ahensiya.
Ang naturang programa ay upang patuloy na natutulungan ng DSWD ang mga mahihirap na Pilipino na maibsan ang kanilang gastusin para sa pagpapalibing ng yumaong kaanak.
Sa pamamagitan ng burial assistance na nakapaloob sa programa ng AICS ay natutulungan ang pamilyang namatayan na makaagapay sa gastusin partikular na ng paglilibing.
“The DSWD helps grieving families in crisis situations through the provision of burial assistance under the AICS. This way, they can focus on celebrating the life and legacy of their departed loved ones, instead of worrying where they can get the funds to properly lay to rest their departed family members,” ayon kay DSWD Undersecretary for Operations Monina Josefina Romualdez.
Batay sa record, mula January hanggang September 2024, nakapagtala na ang ahensya ng mahigit sa Php1.7 billion na burial assistance para sa 165,907 clients sa iba’t-ibang panig ng bansa.
Kasabay nito, nagpahayag naman ng taos pusong pakikiramay si DSWD Undersecretary Romualdez sa mga nasawi dulot ng pananalasa ng bagyong Kristine sa bansa kung saan halos mahigit sa 100 katao ang naitalang namatay habang marami pa din ang naiulat na nawawala.
Anya, nakahanda ang ahensya na magbigay ng tulong at serbisyo sa mga kaanak ng mga nasawi sa bagyo sa pamamagitan ng AICS. Ang tulong ay nakabatay sa assessment ng mga social workers.
Sinabi pa ni Undersecretary Romualdez na maaaring gamitin ng beneficiaries ang DSWD issued Guarantee Letters (GLs) sa mga funeral parlors at memorial service providers na may existing Memorandum of Agreement (MOA) sa ahensya.