MANILA, Philippines — Umapela si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa publiko na isama sa panalangin ngayong Undas ang mga nasawi dahil sa bagyong Kristine.
“Matinding pagsubok ang sinasapit ng marami sa ating mga kababayan dahil sa nagdaang bagyo. Kaya’t ngayong Undas, bukod sa ating mga yumaong mahal sa buhay, ay isama na rin natin ang ating panalangin para sa mga biktima at nasalanta ng sakunang ito,” apela ng Pangulo sa kanyang vlog.
Base sa talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 100 katao ang nasawi dahil sa bagyong Kristine.
Karamihan sa mga nasawi ay galing sa Bicol region.
“Ang naging problema talaga sa Bicol ay ang tagal bumaba ng tubig. Natagalan tayo na makapasok hangga’t nagkaroon tayo ng mga rubber boats dahil ‘yung truck hindi pa kaya pumasok. Iyong mga relief goods ‘pag dala ng mga tao sa evacuation center, ginawa namin rubber boat na ang ginamit namin,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Kasabay nito, sinabi ni Pangulong Marcos na tinulungan niya ang Bicol region kahit balwarte ito ng kanyang katunggali noong eleksyon na si dating vice president Leni Robredo.
“May mga nagre-react dahil daw kahit balwarte ng ating katunggali noong eleksyon ay pinupuntahan ko. Eh nandoon ang bagyo. Ang bagyo hindi nangingilala ng eleksyon. Kaya kung saan na may problema, kung saan ang nangangailangan ng tulong ay doon tayo pupunta,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Tiniyak naman ng Pangulo na hindi titigil ang pamahalaan hanggang hindi nakakabangon ang lahat mula sa mga pinagdaanang kalamidad ng bansa.