MANILA, Philippines — Sabay na dumalaw sa puntod ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kanyang ina na si dating First Lady Imelda Marcos.
Pinangunahan din ng mag-ina ang pagdalo sa isang misa para sa yumaong dating pangulo.
Sa mensahe ni Pangulong Marcos, pinasalamatan nito ang mga taga-suporta ng pamilya Marcos na dumalo sa misa na pawang mga naka-pulang t-shirt.
“Kaya’t naman mas naging makabuluhan ang aming Undas dahil sa inyong pagdating. At lalong-lalo na dahil nararamdaman namin na mula sa inyo ang pagmamahal ninyo sa aking ama at sa pag-alala sa aking ama. Maraming, maraming salamat sa inyong lahat,” pahayag ni Marcos.
Inalala rin naman ng Pangulo ang mga nagawa ng kanyang ama partikular na ang ginawang panalangin para sa bansa at humingi ng gabay sa Panginoon para mapaganda pa ang Pilipinas.
“Kaya’t pagka iniisip ko… Alam ninyo pagka mayroon tayong patay nakalagay diyan RIP, rest in peace. Siyempre ‘yan din ang ninanais natin para sa aking ama. Ngunit hindi sapat na sasabihin lang natin rest in peace. Para mag-rest in peace ang aking ama, kailangan ipagpatuloy natin ang trabahong sinimulan niya, ipagpatuloy natin ang pagpaganda ng Pilipinas, at ang pagmamahal sa Pilipino,” pahayag pa ng Pangulo.