Marikina LGU, pinagpapaliwanag sa mga kalansay na inalis sa mga nitso

MANILA, Philippines — Pinagpapaliwanag at pinakikilos ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo ang Marikina City local government unit (LGU) kaugnay sa mahigit 800 sako ng labi ng tao na inalis mula sa mga libingan at iniwan lang na nakatambak sa Barangka Public Cemetery sa nasabing lungsod.

Ayon kay Quimbo, dapat na maglabas ang Marikina LGU ng listahan ng mga pamilyang naapektuhan ng biglaang pag-alis sa mga labi at pati ang lahat ng impormasyon para sa tamang pagkaka­kilanlan ng mga labi, gaya ng numero sa mga sako at petsa ng kapanganakan at kamatayan.

Aminado mismo ang administrador ng sementaryo na isang Reynato Beltran na sila nga ang nag-alis ng mga kalansay bilang pagsunod na rin sa isang ordinansa ng lungsod.

Nilalaman ng Marikina City Ordinance No. 020, series of 2010 na limang taon lamang maaaring upahan ang mga nitso sa Barangka Public Ce­metery at isang buwan matapos mapaso ang panahon ng renta, kung hindi pa rin nababawi ang isang labi ng kanyang mga mahal sa buhay ay obligadong ilipat na ito sa ossuary ng sementeryo.

“Ako po ay nakikidalamhati sa mga naapektuhan at masakit sa damdamin na mismong sa panahon ng Undas nangyari ang ganitong insidente sa mga sagradong labi ng ating mga mahal na yumaong Marikenyo,” ani Quimbo.

Kaugnay nito, binuksan ng mambabatas ang kanyang opisina para sa mga pamilyang nais na ipa-cremate ang mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay at magsasagawa rin ng isang mass blessing sa Marikina City Public Cemetery.

Samantala, sa kabila ng pag-amin ng sementeryo sa pag-alis sa mga labi mula sa mga nitso ay nag-isyu pa rin ng isang kasalungat na pahayag ang administrasyon ni Marikina Mayor Marcy Teodoro.

Ayon sa pahayag ng City Hall, sinimulan na nito ang isang imbestigasyon upang matiyak na mapapanagot sa batas ang mga sangkot sa pag-alis ng mga labi mula sa mga nitso.

Lahad naman ng mga kapamilya ng mga yumao, tanging ang Marikina LGU lamang ang nag-iisyu ng permiso para maisagawa ang pag-alis sa mga labi mula sa mga nitso kung kaya’t anila’y imposibleng hindi alam ng lokal na pamahalaan kung sino ang may kagagawan ng paglapastangan sa kanilang mga patay.

Show comments