MANILA, Philippines — Dapat paghandaan ng Pilipinas ang epekto ng halalan ng US sa Pilipinas at sa mundo.
Ayon kay Sen. Imee Marcos, chair ng Senate Committee on Foreign Relations, may epekto sa Pilipinas ang mga patakaran ng US sa imigrasyon, pamumuhunan, at maaaring sumailalim ang kanilang depensa sa mabilis at makabuluhang pagbabago pagkatapos ng 2024 presidential elections.
Sinabi rin ni Imee na nasa 4.5 milyong Fil-Am na naninirahan sa Estados Unidos, kabilang ang mga US citizens na at mga residente na mula sa Pilipinas.
“Ang katatagan ng pulitika at ekonomiya ng US ay mahalaga sa katatagan ng ekonomiya ng mundo,” ani Marcos.
Anya, sinumang presidente ng US ay natural na uunahin ang mga interes ng Amerika, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagbabantay sa pangangalaga sa sariling interes ng Pilipinas.
Sinabi niya na ang mas mahigpit na mga patakaran sa imigrasyon ng US ay maaaring humantong sa deportasyon ng libu-libong undocumented Pinoys. Puwede rin aniyang maapektuhan ang mga direktang pamumuhunan at mabawasan ang mga trabaho sa BPO sa bansa.
Ipinunto rin ni Marcos na sa ilalim ng US “friend-shoring” policy, maraming napapalampas na major investments ang Pilipinas kaya nanghihina ang Mactan Export Processing Zone at iba pang ecozone.
Sa unang bahagi ng taong ito, ang American multinational consumer goods corporation na Procter & Gamble ay nag-anunsyo ng mga planong mamuhunan ng USD 100 milyon para palawakin ang produksyon ng pabrika nito sa Vietnam. Samantala, inihayag ng Microsoft ang mga plano sa pamumuhunan sa artificial intelligence at mga pasilidad ng cloud na nagkakahalaga ng USD 1.7 bilyon sa Indonesia, at ang Google ay nagbigay ng USD 1 bilyon sa Thailand para sa pagbuo ng isang data center at pagpapabilis ng paglago ng AI.
Sa paksa ng depensa, nanindigan si Marcos na hindi malinaw kung ipagpapatuloy ng susunod na pangulo ng US ang agresibong pagpapalawak ng presensya ng militar ng US sa Pilipinas at pananatilihin ang kasalukuyang antas ng funding assistance sa defense.