32K pulis larga ngayong Undas – PNP

The Manila Police District commenced the deployment of thousands of police to different cemeteries in Manila on October 31, 2024
STAR/ Edd Gumban

MANILA, Philippines — Dinagdagan pa ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na ikakalat sa buong bansa para sa pagbibigay seguridad sa mga magtutungo sa mga sementeryo ngayong, All Saints’ Day at bukas, All Souls’ Day.

Sa ginanap na press briefing, sinabi ni PNP spokesperson PBGen. Jean Fajardo na aabot na sa 31,974 mga pulis ang nakadeploy sa buong bansa kumpara sa unang bilang ng deployment na 18,000.

“Kasama po ‘yung mga nasa sementeryo dyan, ‘yung mga police assistance desk na nilagay natin doon sa mga transport terminal at syempre sa mga major thoroughfares na para masiguro po natin na makakaalalay po tayo sa mga bibiyahe nating mga kababayan,” ani Fajardo.

Ang pagdaragdag ng mga ikakalat na pulis ay paniniguro anya ng pagbibigay ng assistance sa mga magtutungo sa mga sementeryo at maging sa mga magbibiyahe.

Batay sa kanilang monitoring, marami na rin ang nagtungo sa mga sementeryo at iniwasang makisabay sa bugso ng mga dadalaw ngayon at bukas.

Wala namang namonitor ang PNP na mga banta o untoward incident sa ngayon.

Payo ni Fajardo sa mga biyahero na siguraduhin na nakalock ang kanilang mga bahay, saksakan ng kuryente at mag-iwan ng ilaw.

Anya, hangad ng PNP na maging payapa at maayos ang paggunita ng Undas at pag-aalala sa mga mahal sa buhay.

Show comments