MANILA, Philippines — Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ibat-ibang local government units sa bansa na maghanda sa pagtama ng Bagyong Leon.
Ginawa ng Pangulo ang utos sa pagbubukas ng Maersk Optimus distribution center sa Calamba City, Laguna.
“Unfortunately, mukhang may padating na naman. Kaya’t paghandaan natin nang mabuti,” pahayag ani Marcos.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) patuloy na nagbabanta ang Super Typhoon Leon sa northern Luzon.
Taglay ng bagyo ang hangin na 185 kilometro kada oras at pagbugso ng 230 kilometro kada oras.
Kamakailan lamang, tumama ang bagyong Kristine na nagdulot ng pagkasawi ng mahigit 100 katao.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Atty. Chris Bendijo, tagapagsalita at Head Executive Assistant ng Manila International Airport Authority ang mga pasahero na i-monitor ang bagyo sa posibilidad na magkaroon ng kanselasyon ng biyahe ng mga eroplano.
Ipinaliwanag pa ni Bendijo na posibleng sa paliparan ay hindi pa masama ang panahon pero posibleng iba ang sitwasyon sa destinasyon ng ilang pasahero.