MANILA, Philippines — Nananatili ang commitment ng bansa sa pagtataguyod ng women empowerment, partikular ang kanilang mahalagang papel sa pagsusulong ng kapayapaan, diin ni Budget Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng International Conference on Women, Peace, and Security (ICWPS) sa Philippine International Convention Center (PICC), ibinahagi ni Pangandaman ang mga hakbangin ng bansa sa pagsusulong ng mahalagang papel ng mga kababaihan sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa bansa.
Ipinaliwanag ni Pangandaman ang importansiya ng pagsasama-sama at pagtutulungan partikular sa naranasang kalamidad ng bansa dulot ng bagyong Kristine, kaya napapanahon umano ang pagtalakay sa nagbabagong panahon at seguridad sa mga kababaihan.
“Dialogue is always a good start,” ani Pangandaman patungkol sa nagdaang kalamidad na nagsilbing malaking hamon sa mga kababaihan sa mga apektadong lugar.
Nabanggit din ng DBM chief ang pagtatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kasabay sa pagbuo ng Bangsamoro Women Commission, na nakatutok sa malaking papel ng kababaihan sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng katahimikan sa naturang rehiyon.
Ipinaliwanag din ni Pangandaman, natatanging Muslim sa gabinete, ang commitment ng Pilipinas sa tinatawag na gender-responsive budgeting, na nagpapatupad ng “Women’s Budget” policy na nagtatakda ng hindi bababa sa 5 porsiyentong pondo ng mga ahensiya ng pamahalaan para sa mga gender program.
Ipinabatid rin ni Pangandaman ang commitment ni President Ferdinand R. Marcos, Jr. kaugnay sa “elevating women to more prominent roles, as well as greater voice” na makikita sa komposisyon ng mga gabinete tampok ang limang babaeng minister.
Nanawagan si Pangandaman sa mga delegado ng ICWPS na magbahagi ng mga istratehiya para palakasin ang partisipasyon ng mga kababaihan at magsilbing instrumento ng pagbabago sa lipunan.