MANILA, Philippines — Inaasahang maghaharap ngayong Lunes sa Senado sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating Senator Leila de Lima.
Parehong inimbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee sina Duterte at De Lima sa gagawing “moto propio inquiry” sa nangyaring giyera laban sa ilegal na droga noong nakaraang administrasyon.
Tiniyak ng kampo ni De Lima na sisipot ito sa pagdinig bilang isang resource person.
Matatandaan na isa si De Lima sa ipinakulong ng administrasyong Duterte at isinangkot sa ilegal na droga pero napatunayang walang kasalanan.
Bagaman at sinabi ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na sisipot din si Duterte, hindi naman tiyak kung sisipot nga ito.
Nauna rito, inihayag ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na tuloy ang imbestigasyon kahit pa hindi magpakita si Duterte.
Ayon kay Pimentel, ang pagdinig ng Senado ay magbibigay ng pagkakataon sa mga indibidwal na tumugon sa mga pahayag ni retired Police Colonel Royina Garma.
Nauna nang sinabi ni Garma sa House Quad Comm na hiniling sa kanya ni Duterte na maghanap ng isang opisyal na magpapatupad ng Davao model drug war sa national level, isang sistema kung saan ang isang tao ay gagantimpalaan ng hanggang P1 milyon para sa pagpatay sa mga drug suspect.