MANILA, Philippines — Nanawagan si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino sa pribadong sektor na tumulong sa paglilinis ng mga nabarahang kalsada, partikular sa Maharlika Highway sa bayan ng San Fernando, Camarines Sur na dulot ng malawakang pagbaha na dala ng bagyong Khristine upang mapabilis ang paghahatid ng relief goods sa mga nasalanta.
Sinabi ni Tolentino na ang tulong ng pribadong sektor sa paglilinis ng daan ay maaaring magpabilis sa paghahatid ng agarang relief goods sa mga komunidad na nilubog ng matinding pagbaha sa mga lokalidad ng catch basin area ng Bicol.
Partikular siyang umapela sa mga kumpanya tulad ng mga construction company na may heavy equipment at resources para linisin ang baradong bahagi ng Maharlika Highway, Asian Highway 26 (AH26) sa Camarines Sur, na tumatawid sa pagitan ng Bicol region at Metro Manila.
Nakarating sa senador na ang mga truck na may dalang relief goods ng mga institusyong tulad ng Philippine Red Cross, Metro Manila Development Authority (MMDA), at iba pang civil society groups at network ay stranded pa rin sa bayan ng Milaor, 15km hilaga ng Naga City.