MANILA, Philippines — Umaabot na sa 81 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Kristine, 34 ang iniulat na nawawala habang mahigit sa 4 milyon katao ang naapektuhan.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesman Edgar Posadas, kabilang sa 81 nasawi ang 47 sa lalawigan ng Batangas, 18 dito ay sa landslide sa Talisay City at 28 naman na karamihan ay nalunod sa Bicol Region.
Nasa apat din ang nasawi sa magkakahiwalay na lugar sa Central at Southern Luzon.
Naitala naman sa 986,974 pamilya o kabuuang 4, 207, 387 indibidwal sa 16 Regions, 69 lalawigan, 657 siyudad at munisipalidad at 5, 867 mga barangay ang naapektuhan ng bagyo.
Nasa 24, 988 katao naman mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula at CARAGA ang isinailalim sa pre-emptive evacuation.
Aabot naman sa 8,432 kabahayan at 98 imprastraktura ang napinsala na tinatayang aabot sa P203.83 milyon sanhi ng matinding epekto ni Kristine.
Iniulat naman ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator at Undersecretary Ariel Nepomuceno nasa 547 pa ring mga lugar ang lubog pa sa baha na kinabibilangan ng Regions I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, V, VI, VIII, IX, XIII, CARAGA, BARMM at National Capital Region.
Sa kasalukuyan, nasa P203,826,014.38 ang iniwang pinsala ng bagyo kabilang ang 98 kalsada, tulay, gusali ng eskuwelahan at iba pa. Nasa 8,432 bahay ang napinsala - 7,506 nagtamo ng pinsala at 926 tuluyang nawasak.
Nagtamo naman ang agrikultura ng P87,529,788.11 pinsala na nakaapekto sa 2,049 magsasaka at mangingisda habang naitala sa 1,613.77 hektaryang panananim ang nawasak.
Umabot naman sa 83 lungsod at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding pinsalang tinamo sa hagupit ng bagyo.