MANILA, Philippines — Nagpatupad ang National Housing Authority (NHA) ng isang buwang moratorium sa pagbabayad ng housing loan para sa mga benepisyaryo ng Pabahay program ng ahensiya dulot nang pananalasa ng bagyong Kristine sa bansa.
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, ang moratorium ay hindi na kailangan ng application dahil awtomatikong ipatutupad para sa mga benepisyaryo sa buong bansa mula Nobyembre 1-30, 2024 at magsisimula muli ang pagbabayad ng amortization at lease sa Disyembre 1, 2024.
Nilinaw ni GM Tai na walang ipapataw na delinquency o karagdagang interes sa panahon ng moratorium hanggang Nobyembre 30, 2024.
Anya, ang anumang penalties at interes na naipon bago ang Nobyembre 1, 2024, ay muling magsisimula sa Disyembre 1, 2024.
“Ang layunin ng patakarang ito ay magbibigay ng ginhawa sa mga indibidwal at pamilyang naapektuhan ng matinding pinsala dulot ng bagyo.” Sabi ni GM Tai.
Noong nagdaang buwan ng Hulyo nagpatupad din ang NHA ng moratorium policy para sa mga benepisyaryong naapektuhan ng Typhoon Carina sa National Capital Region (NCR), sa mga Rehiyon III at IV.