Pangulong Marcos: presidential choppers gamitin sa rescue, relief

Nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kahapon, upang alamin ang kalagayan ng ilang lugar sa bansa na sinalanta ng Bagyong Kristine kabilang na ang mga lalawigan ng Laguna, Cavite, at Batangas. Ayon sa PAGASA, nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo pero isa pang sama ng panahon ang inaasahang papasok sa PAR.
Photo courtesy of the Presidential Communications Office

MANILA, Philippines — Pinakikilos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng uniformed personnel at resources kabilang ang presidential helicopters para sa rescue, relief at rehabilitation operations dahil sa epekto ng bagyong Kristine.

Sa pahayag ng Pangulo, tiniyak nito sa mga filipino na parating na ang mga tulong sa pamamagitan ng land, air at sea dahil inatasan na niya ang buong mobilisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) personnel ,gayundin ang iba pang ahensiya ng gobyerno tulad ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Coast Guard (PCG) para sa relief operations.

Inatasan na aniya ang naturang mga ahensiya na mag-deploy ng mga sasakyan, aircrafts, boats, ships at iba pang uri ng transportation assets maging ang presidential helicopters para sa rescue gayundin sa relief at rehabilitation.

“I want to see a conveyor belt of aid that is constantly delivering aid to the front,” ayon pa sa Pangulo.

Pinakansela rin ni Marcos ang lahat ng personnel leaves, maliban na lamang kung ito ay medical reasons at kung mayroong humanitarian justifications sa uniformed services, habang pangungunahan naman ng AFP at PNP medical corps ang relief efforts.

Inatasan din ng Pangulo ang Department of Budget and Management (DBM) na ilabas ang kaukulang pondo na kailangan para mapabilis ang mga kailangang bilihin.

Ipinag-utos din niya sa Department of Agriculture (DA) ang paglalagay ng Kadiwa stores sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo at ang mabilis na pagtatanim para matulungan ang mga magsasaka.

Ang naturang mga tulong ay bukod pa sa tulong pinansyal kabilang ang pagbabayad ng crop insurance sa mga magsasaka na lubhang naapektuhan ng bagyong kristine.

Show comments