P2 bilyong pondo inihanda sa business sector na apektado ni ‘Kristine’

MANILA, Philippines — Naglaan ang Department of Trade and Industry (DTI) ng P2 bilyong pondo para sa negosyanteng naapektuhan ng bagyong Kristine.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni ­acting DTI Secretary Ma. Cristina Roque, na sa pamamagitan ng Enterprise Rehabilitation program ay maaaring mag-apply simula kahapon ng alas-5 ng hapon ang mga apektadong negosyante.

Ayon kay Roque, tatagal ang application ng loans hanggang Disyembre 2024 at posibleng mapalawig hanggang Enero 31, 2025 at aabot hanggang P300,000 ang maaaring i-loan.

Sa ngayon mayroon aniyang 102 Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) ang lubhang naapektuhan ng bagyong Kristine.

Ayon naman kay Roque, maaaring mag-apply ang mga apektadong negos­yante sa SB Corp. isang bangko sa ilalim ng DTI sa pamamagitan ng pag-e-email at pag-register sa sbcorp.gov.ph.

Paliwanag pa ng opisyal na ang mechanics ng programa ay zero interest sa unang taon, sa ikalawang taon ay 1% kada buwan kahit na walang principal payment basta kabilang sila sa nasalanta ng bagyo.

Show comments