Pinsala ni ‘Kristine’ sa agri, pumalo na sa P80 milyon

MANILA, Philippines — Pumalo na sa P80.80 milyong halaga ang pinsala ng bagyong Kristine sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Sa latest bulletin ng Department of Agriculture (DA), ang bagyo ay nakaapekto sa kabuhayan ng 2,864 magsasaka sa Cordillera, Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan), Bicol at Western Visayas.

Umaabot naman sa 1,570 ektarya ng pataniman ang napinsala o production loss na 5,287 metric tons.

Bunga ng matinding pinsala, naghanda naman ng iba’t ibang interventions ang DA tulad ng paglalaan ng nasa P80.21 milyong halaga ng agricultural inputs o mga pananim na bigas, mais, mga punlang gulay at mga gamot para sa hayupan.

May laan ding P25,000 halaga ng pautang sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) na babayaran sa loob ng tatlong taon na walang interest at bayad pinsala para sa mga naka-insured na magsasaka na apektado ng bagyo mula sa Philippine Crop Insurance Corp.

Show comments