ACT-CIS, namigay ng 2K sako ng bigas, P1 milyong cash sa mga biktima ni ‘Kristine’ sa Bicol

Tinanggap ni Philippine Coast Guard Chief of Coast Guard Staff Rear Admiral Hostillio Arturo Cornelio ang P1 million cash donations at 1,000 sako ng 25 kilo ng bigas para sa mga biktima ni ‘Kristine’ mula sa tanggapn ni ACT-CIS Party­list Rep. Erwin Tulfo na kinatawan ng kanyang Chief of Staff, Jericho Javier, kahapon sa PCG Headquarters sa Port Area, Manila.

MANILA, Philippines — Kabuuang 2,000 sako ng bigas at P1 milyon cash ang ipinamahagi ngayon (Okt 24) ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ACT-CIS partylist para sa mga nasalanta ng bagyong Kristine sa Bicol region.

“Ito po ‘yung konting ambag namin ng ACT-CIS tsaka ng Erwin Tulfo Action Center para sa mga kababayan natin po na binaha, binagyo po jan sa Bicolandia para makatulong po sa mga kababayan natin doon,” ani Tulfo.

Kahapon, sa utos ni Rep. Tulfo, na isa ring PCGA Auxiliary Commodore, personal na nagtungo ang kanyang chief of staff na si PCGA Auxiliary Cdr. Jerico Javier, para personal na ihatid ang P1 milyong cash at 1,000 sako ng bigas sa mga opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG).

Personal na donasyon naman ng magkapatid na Cong. Eric at Edvic Yap ang P1 milyon cash.

Ipapakalat ng Coast Guard ang cash at bigas sa mga nasalanta ng bagyo sa Bicol region.

Nakipag-ugnayan din ang opisina ni Tulfo at ACT-CIS partylist sa tanggapan naman ng Angat Buhay Foundation ni dating Vice President Leni Robredo para sa karagdagang 500 sako ng bigas na ihahatid sa warehouse ng nasabing foundation sa Quezon City ngayong araw.

Aabot din sa 500 sako pa ng bigas ang ipapakalat naman sa bayan ng Iriga at iba pang bayan sa Bicol region na grabeng nasalanta ng bagyo.

Show comments