P15 milyon quota sa caroling: ‘May namatay, naaksidente, nakulong’ - ex-KOJC member

MANILA, Philippines — Ibinunyag ng isang dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations at Gender Equality na inaatasan siyang makalikom ng mula P10 milyon hanggang P15 milyon tuwing buwan ng Disyembre kung saan ginagamit niya ang pangangaroling para maabot ang quota.

Ayon kay Teresita Valdehueza, nagre-recruit pa sila ng mga bata mula sa Visayas at Mindanao at dinadala sa Luzon at Metro Manila para mangaroling.

Marami rin aniyang mga estudyante ang kailangang lumiban sa kanilang mga paaralan kapag Nobyembre para unahin ang mga pangangailangan ng kanilang simbahan.

Sinabi rin ni Valdehueza na walang sinuman sa mga miyembro ang nangahas na magtanong kung saan napupunta ang pera.

“Naghirap ang maraming workers at members sa pag- caroling at pag-solicit sa bawat tao sa lahat ng dako dito sa bansa. May namatay, may naaksidente, may nakulong, may na-rape pa na hindi na nai-report dahil baka hindi paniwalaan at baka makapag-fasting pa dahil may kasalanan na itinago,” ayon kay Valdehueza kung saan nakaharap niya ang founder ng KOJC na si Apollo Quiboloy na dumalo sa pagsisiyasat ng Senado base sa utos ng korte.

Inilahad din ni Valdehueza na kinailangan pa ng mga miyembro na magbenta ng mga kakanin para makapagbigay sa Alay kay Kristo, pondo sa mga pagtatayo, love offerings, television pledges, ikapu, at marami pang iba.

“The supposed income na dapat ibigay sa mga beneficiaries sa mga nasabing associations hindi naman talaga truthfully and honestly naibigay. Only a little portion of the income was shared to the beneficiaries,” saad ni Valdehueza.

Samantala, isang self-confessed na kasapi ng Angels of Death ang lumantad din sa Senado at ibinunyag na ipinag-utos umano ni Quiboloy ang mga “pagpatay” sa mga tumitiwalag at nagkakasalang miyembro ng KOJC.

Inamin ni Edward Ablaza Masayon na miyembro siya ng 2nd Metro Davao Signal Battalion na nasa ilalim ng SMNI at sinasabing may kaugnayan din sa Task Force Davao.

Sabi ni Masayon, ang mga miyembro nito ay galing Philippine Army Affiliated Reserve Unit o PAARU at sa 11th Regional Community Defense Group na reserve command ng Philippine Army. Binuo aniya ang private army para tugisin ang mga kasapi ng lumalaban kay Quiboloy.

Itinanggi naman ni Quiboloy ang lahat ng akusasyon.

Show comments