MANILA, Philippines — Ipinahamak lamang ni Vice President Sara Duterte ang kanyang sarili sa kanyang mga ikinikilos at sinasabi at pinatunayang wala siyang kakayahan na manilbilhan bilang VP ng bansa.
Ang pahayag ay ginawa ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon nitong Miyerkules kasunod ng sinabi ni Duterte na hindi na siya makikipagtulungan kay Pangulong Bongbong Marcos at sa administrasyon nito.
Kasabay nito, iminungkahi rin ni Gadon sa Kongreso ang pagpapatanggal kay Duterte sa pamamagitan ng pagdedeklara rito bilang “incapacitated” o wala ng kakayahan gawin ang kanyang mga tungkulin at “nag-i-imagine” pa itong pugutan ng ulo si PBBM.
Unang rekomendasyon ni Gadon sa Makabayan Bloc ang impeachment proceedings laban kay Duterte subalit sa kakulangan ng oras at panahon kaya pagdedeklara ng “incapacitated” na ang gagawing batayan.
“Paano siya makakapag-assist sa Presidente, kung siya mismo, idineklara niya, sa sarili niya, na hindi na siya makikipag-cooperate sa ating Presidente. Hindi na siya tutulong. And in fact iniisip niya, ini-imagine niya, na gusto niyang pugutan ng ulo ang ating Presidente,” ani Gadon.
Giit ni Gadon, indikasyon ito na hindi na tutuparin at gagawin ni Duterte ang kanyang mga tungkulin sa ilalim ng Constitution.
Sakaling madeklara na ‘incapaciated’ si Duterte maaari itong palitan sa puwesto ng Senate president.