MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paghingi ng kadete sa suot na relo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa graduation ceremony ng Philippine Military Academy (PMA) noong Mayo ng taong ito.
Pero iginiit ng AFP na hindi ito bahagi ng tradisyon ng PMA. Pinagalitan ng Philippine Military Academy (PMA) ang hindi na pinangalanang kadete na bahagi na umano ng Philippine Air Force.
“He was admonished for his actions, and that occurred in May po ano, noong graduation. So it was already dealt with according to regulations of the Armed Forces of the Philippines and the Philippine Military Academy,” pahayag ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla.
Matatandaang nabanggit ni Vice Pres. Sara Duterte sa isang press conference ang tungkol sa isang graduate na nanghingi ng relo ni PBBM bilang graduation gift.
Nangyari umano ito sa graduation ng PMA “Bagong Sinag” Class of 2024 sa Fort General Gregorio Del Pilar sa Baguio City noong Mayo.
Sina Marcos at Duterte ay nakitang magkasundo at magkasama pa sa nasabing graduation ceremony.
Gayunman, ayon kay VP Duterte ay naging toxic umano ang relasyon niya kay PBBM matapos na tumanggi itong ibigay ang relo sa nasabing kadete.
Dito raw na-imagine ng Bise Presidente ang pagpugot sa ulo ng Pangulo.
“It does not reflect the overall culture and training of the academy. Ito, ang nangyari dito, it was in a moment of euphoria. He was facing the President and he made a mistake, it’s unusual and unacceptable,” ani Padilla na sinabing isa lamang itong isolated na kaso.
Sa PMA graduation ceremony noong 2019 ay isang kadete rin ang humiling ng relo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pinagbigyan naman nito bagay na ikinukumpara ni VP Sara kay PBBM.