MANILA, Philippines — No show si dating pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig kahapon ng House Quad Committee kaugnay ng imbestigasyon sa Extra Judicial Killings (EJK) na iniuugnay sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon.
Nitong Lunes ay nagsumite ng liham si Atty. Martin Delgra III sa mega panel na hindi makakadalo ang dating pangulo dahil masama umano ang pakiramdam.
“Unfortunately, despite his keen intention to attend, my client respectfully manifests that he cannot attend the public hearing set on 22 October 2024. Aside from the short notice given him, my client just arrived in Davao from Metro Manila last 17 October 2024,” ani Delgra sa liham.
“Considering his advanced age and the recent engagements he had to attend, he is currently not feeling well and is in need of much rest. Hence, my client respectfully requests to defer his appearance before the Honorable Committee scheduled tomorrow (Tuesday),” dagdag pa ni Delgra.
Handa anyang humarap ang kliyente sa pagdinig sa ibang pagkakataon matapos ang Undas. Si Delgra ay dating Chairman ng LTFRB sa Duterte administration.
Una rito, pinadalhan ni quad comm chair Rep. Robert Ace Barbers ng imbitasyon si Duterte sa pagdinig kahapon, Oktubre 22.
Nais ng mega panel na marinig ang testimonya ni Digong na idinawit sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa Davao Farm and Penal Colony noong 2016.
Gayundin ang ibinunyag ni dating PCSO general manager Royina Garma na cash reward sa bawat mapapatay na drug suspects na mula P20,000- P1-M depende sa level sa drug list.
Nais naman ni Rep. Bienvenido Abante Jr. na marinig mismo sa dating Pangulo kung bakit kailangang patayin ang mga suspect sa giyera kontra droga.