Ex-Pangulong Rodrigo Duterte natanggap na imbitasyon ng quad comm

Former president Rodrigo Duterte filed his certificate of candidacy for Davao City mayor on Oct. 7, 2024.

Face off nina Duterte at Garma asahan

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na natanggap ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon ng Quad comm kaugnay ng pagdinig sa war on drugs sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Brig. Gen. Jean Fajardo, natanggap na ng official representative ni Duterte ang sulat mula sa House Quad Committee na pina­ngungunahan ni Rep. ­Robert Ace Barbers.

Ipinadala ang imbitasyon sa dating pangulo sa mismong bahay nito sa Dona Luisa, Matina, Davao City.

Katulong ng PNP ang House sergeant at arms para maihatid ang sulat sa tinukoy na address ng komite.

Bukod sa pisikal na sulat, nag-email din ang Com-Sec sa tanggapan ng dating pangulo upang humarap ito sa susunod na pagdinig ng Quad Com.

Sa inaasahang sa pagdalo ni Duterte sa pagdinig, makaka-face-off nito si dating police colonel at PCSO Chairman Royina Garma. Si Garma ay malapit na kaibigan  ng dating pangulo.

Subalit sa pagdinig ng quad comm, ibinunyag ni Garma na may ‘basbas’ ng dating pangulo ang reward system habang ipinatutupad ang war on drugs.

Matatandaang nauna ng sinabi ni dating chief presidential legal council Sal Panelo na handang humarap sa Kamara si Duterte basta may matatanggap itong pormal na imbitasyon.

Umaasa naman ang quad comm na dadalo si Duterte sa pagpapatuloy ng pagdinig ngayong araw, Oktubre 22.

Show comments