Abalos: ‘Ang magpapakain sa Pilipino ay kapwa Pilipino’
MANILA, Philippines — Binigyang diin ni dating Mandaluyong City mayor at senatorial aspirant Benhur Abalos ang mahalagang papel ng mga Pilipinong magsasaka sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain ng bansa, sa kanyang pagbisita sa Nueva Ecija kamakailan.
Ayon sa kanya, “Ang magpapakain sa Pilipino ay kapwa Pilipino - ang ating magsasaka.”
Sa kanyang pagbisita sa Nueva Ecija, na kinikilala bilang rice granary ng Pilipinas, tinalakay ni Abalos ang suporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura at ang kahalagahan ng pagbibigay-lakas sa mga magsasaka upang mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain para sa bansa.
Binigyang-diin niya na dapat mga Pilipinong magsasaka ang manguna sa pagtustos ng pagkain para sa kapwa Pilipino, kasabay ng panawagan na gawing permanente ang mga programang pang-agrikultura.
“Mahalaga ang irigasyon para matiyak ang magandang ani,” ani Abalos, na nagpahayag ng pangangailangan na matutukan ang sapat na pondo para sa mga proyektong pang-irigasyon.
Para matugunan ito, sinabi ni Abalos na ang mga programa ng gobyerno gaya ng pautang na may mababa o zero interest para sa mga magsasaka ay dapat gawing permanente.
“Dapat gawing institusyonal ang mga programang ito para hindi mawala sa pagpasok ng bagong administrasyon. Kung hindi, ‘pag naiba ang Pangulo, mawawala ang magagandang programang ito,” kanyang binigyang-diin.
Bukod sa pinansyal na suporta, binigyang-halaga rin ni Abalos ang pangangailangan ng crop insurance upang protektahan ang mga magsasaka mula sa mga sakuna tulad ng bagyo. “Paano kung may bagyo? Mawawala lahat ng puhunan ng magsasaka kaya nalulubog sila sa utang. Diyan papasok ang crop insurance na muling ipinatutupad ng ating Pangulo,” ani Abalos.
Ipinahayag din ni Abalos ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga magsasaka ng Nueva Ecija, na kinikilala ang kanilang mahalagang papel sa pagpapakain sa bansa.
- Latest