AFP officers ‘di pabor sa paggamit sa kanila sa P15 million DepEd confidential funds

This file photo shows the Department of Education.

MANILA, Philippines — Hindi nagustuhan ng mga opisyal ng sundalo ang ginawa ni Vice Pres. Sara Duterte na ginamit ang inilabas nilang sertipikasyon sa pag-liquidate ng P15 milyong halaga ng confidential funds ng DepEd dahil hindi naman ito sa kanila napunta.

Kung alam lamang umano nina retired Maj. Gen. Adonis Bajao, Lt. Col. Carlos Sangdaan Jr., at Colonels Manaros Boransing at Magtangol Panopio na sa ganito gagamitin ang hininging sertipikasyon ay hindi sila magbibigay nito.

Humingi umano ng sertipikasyon ang DepEd sa AFP kaugnay ng isinagawang Youth Leadership Summits (YLS), isang regular na programa ng mga sundalo laban sa insurgency noong 2023. Ang AFP at mga lumahok na lokal na pamahalaan umano ang gumastos sa programa.

Pero ginamit umano ng DepEd ang mga sertipikasyon upang patunayan at bigyang katwiran ang paggastos ng P15-M confidential fund na inilista bilang bayad sa mga impormante.

Sinabi pa ni Boransing na bahagi ng patakaran ng AFP ang hindi pagbibigay ng certifications sa mga event o gastos na walang direktang kinalaman ang militar.

Itinanggi ng apat na opisyal na alam nila na ang kanilang mga sertipikasyon ay gagamitin upang suportahan ang pahayag ng DepEd na gumagamit ito ng mga confidential funds para sa mga pabuya sa mga informant.

Show comments