MANILA, Philippines — Humirit ang mga miyembro ng Kamara na isailalim sa psychological evaluation si Vice President Sara Duterte upang matiyak kung may kapasidad pa ba itong maglingkod sa bayan.
Ito’y matapos sabihin ni VP Sara sa isang press conference na kanyang na-imagine na pinupugutan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at nagbanta na huhukayin ang labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at itatapon ito sa West Philippine Sea.
“Walang matinong tao ang makakaisip, lalo’t gagawa, ng ganitong klaseng pahayag. Nakababahala ang antas ng kawalan ng katinuan sa kanyang mga salita,” sabi ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun.
“Kailangang magkaroon ng masusing psychological assessment upang matiyak kung siya ay karapat-dapat pang maglingkod sa bayan sa ganitong kritikal na posisyon,” dagdag pa nito.
Sinabi naman ni House Assistant Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na ang ganitong uri ng marahas at nakakatakot na mga pahayag ay hindi katanggap-tanggap mula sa kahit sino, lalo na sa isang nakaupong Bise Presidente.
“Higit pa ito sa usapin ng maling paggamit ng pondo ng bayan. Ang nakakaalarmang pag-uugali ng Bise Presidente ay nagpapakita ng mas malalim na problema na kailangang tugunan,” giit ni Khonghun.