MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Pangasinan si Urdaneta Mayor Julio F. Parayno III ng isang taon.
Sa ilalim ng Provincial Resolution number 958-2024 ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan, inaprubahan nito ang unang desisyon ng Committee on Good Government and Accountability of Public Officers, Justice and Human Rights na nagpaparusa kay Mayor Parayno dahil umano sa paglabag sa dalawang probisyon ng Republic Act 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
Una nang napatunayan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na lumabag si Parayno sa naturang batas nang tumangging magpalabas ng business permit sa REVM Tiposu Poultry Farm Inc. noong 2021.
Ito ang naging basehan ng Pangasinan SP Committee para iendorso noong August 2024 na suspendihin si Parayno ng 90 araw na nilagdaan ni Pangasinan Governor Ramon V. Juico III.
Noong September 2024, nalagay pa sa balag ng alanganin ang posisyon ni Parayno nang kasuhan ito ng videographer na si Jairus Bien Fernandez Sibayan ng Pangasinan Information and Media Relations Office (PIMRO) dahil sa pananampal umano sa kanya ni Mayor Parayno at pagkuha sa kanyang camera at pagsalitaan ng masama nang idodokumento ang isinilbing preventive suspension laban sa Alkalde noong August 12, 2024.