Sara: Hindi marunong maging Presidente ang nakaupo

Vice President Sara Duterte attends her office's first budget hearing with the House appropriations committee on August 28, 2024.

MANILA, Philippines —  Hayagang sinabi ni Vice President Sara Duterte na hindi marunong maging Presidente ang nakaupo kaya patungo na sa impiyerno ang bansa na dahilan kaya siya umalis sa administrasyon bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

“Hindi ko kasalanan that we’re on this road to hell, hindi marunong maging Presidente ang nakaupo,” ani Duterte sa pulong-balitaan kahapon sa Mandaluyong City.

Sinabi niya na para sa kaniya, one lang out of 10 ang rate ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa halip na pagtuunan ng pansin ang nararamdaman ng bayan na problema sa pagkain at petrolyo ay atake sa kaniya ang ginagawa.

Aniya pa, nalinlang siya ng Marcos dahil napilitan lang siyang tumakbo sa pagka-bise dahil sa tawag sa kaniya ni Sen. Imee Marcos, sa kabila ng pagtutol din ng amang si dating Pang. Rodrigo Duterte na huwag siyang tumakbo sa mataas na posisyon.

Hinimok aniya siya ni Imee na makipag-tandem kay PBBM noong halalan upang maipanalo ang pagka-presidente dahil kung hindi makukuha ni Leni Robredo ang boto ng mga Bisaya.

Iginiit pa ni VP Sara na may listahan siya ng limang impeachable offense kay PBBM. Gayunman, wala naman siyang binanggit ni isa sa kung anu-ano ang impeachable offenses pero sa tingin niya ay hindi papasa sa House.

Naniniwala siya na hinahanapan lamang siya ng butas ng Kamara upang ma-impeach kaya hihintayin niya munang matapos ang pagdinig ng Quadcom bago siya magkomento.

Ang mga pahayag na ito ni Sara ay kasunod ng pagdinig nitong Huwebes ng Quadcom sa mga opisyal ng DepEd kaugnay sa napakalaking pondo na hindi umano maipaliwanag, lalo na ang P16-milyong confidential funds ng DepEd na ginastos sa safehouses sa loob lang ng 11 araw at ang P15-milyong nagastos na sinasabing isinumite sa Commission on Audit (COA) sa Youth Leadership Summit ng Armed Forces of the Philippines (AFP), gayung ang AFP ay itinanggi na tumanggap sila ng nasabing halaga.

Show comments