Kampanya vs droga noon at ngayon, talupan - Sen. Go

MANILA, Philippines — Inihain ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senate Resolution No. 1217 na nag-utos sa Senate committee on public order and dangerous drugs na magsagawa ng inquiry “in aid of legislation” sa kampanya laban sa iligal na droga ng nakaraan at kasalukuyang administrasyon.

Bilang vice chair ng nasabing komite, sinabi ni Go na dahil sa paglaganap ng problema sa iligal na droga at masasamang epekto nito sa bansa, si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay itinulak sa pagkapangulo bunga ng kanyang masigla at matibay na paninindigan laban sa illegal drugs.

Aniya, ang kampanya laban sa iligal na droga ang naging pundasyon ng administrasyong Duterte, at nagbigay ng malakas na mensahe sa maraming Pilipino na tindigan ang pagkadismaya sa lumalalang krisis sa droga.

Gayunpaman, maraming akusasyon at seryosong paratang na naglabasan tungkol sa paglabag sa karapatang pantao at pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga awtoridad.

Dahil dito, sinabi ni Go na kailangang ibunyag at mabatid ang katotohanan sa mga pagtatangka na sirain ang kampanya laban sa iligal na droga.

Show comments