Mga pulis sa PNPA Class ‘96, ’97 sa war on drugs, tinutukoy na - CIDG

MANILA, Philippines — Sinisimulan na ng Cri­minal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pagtukoy sa mga sangkot na pulis sa madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Sinabi ni PNP Public Information Office chief Police Brig. General Jean Fajardo, na nag-iimbestiga na ang CIDG upang malaman kung sinong mga pulis sa PNPA Class 1996 at 1997 ang kabilang sa war on drugs.

Una nang binanggit ni dating PCSO General Manager Royina Garma sa House Quad Committee hearing na mayroong mga miyembro ng PNPA Class 1996 at 1997 na ipinatawag si dating pangulong Rodrigo Duterte para isagawa ang Davao Model Drug War sa buong bansa.

Bagama’t kabilang sa PNPA Class 1996, sinabi ni Fajardo na hindi siya naimbitahan ng Pangulong Duterte para sa war on drugs project.

Tiniyak din ni Fajardo na walang pagtatakpan ang PNP maging mataas na opisyal man ang matuklasang kasama sa umano’y reward system at EJK.

Matatandaang nauna nang nanawagan si PNP chief General Rommel Francisco Marbil sa mga dating pinuno ng PNP na magpaliwanag sa naging papel nila sa war on drugs ng administrasyong Duterte kasunod ng pahayag ni Garma na alam ng mga dating PNP chiefs at mga regional director ang reward system at EJK.

Samantala, sinabi rin ni Fajardo na posibleng iisang grupo lamang ang nasa likod ng pagpatay kina dating PCSO Board Secretary Welsey Barayuga at Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili.

Ani Fajardo, nagsasagawa na sila ng masu­sing imbestigasyon upang malaman ang koneksiyon ng dalawang krimen.

Giit ni Fajardo, hindi dapat nagagamit at nasasangkot ang mga pulis sa personal na interes ng mga pulitiko.

Lumitaw din sa pagdinig na wala sa orihinal na narcolist si Barayuga. Nailagay lang ang pangalan nito sa narcolist matapos itong mapatay.

Gayunman, sinabi ni Fajardo na ayaw niyang pangunahan ang nagpapatuloy na imbestigasyon lalo’t itinuturing itong sensational case.

Kaya’t hahayaan na lamang nila ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa paghalukay sa naturang kaso upang malaman ang kalaliman nito.

Show comments