MANILA, Philippines — Naghihinala si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na posibleng ginamit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang confidential at intelligence funds (CIF) bilang reward hindi lamang sa mga drug personalities kundi maging sa pagpatay sa kaniyang mga kritiko.
Binanggit din ni Rep. Castro ang malaking pondong inilaan sa intelligence at confidential funds sa Davao noong panahon ni Duterte bilang alkalde na nagpatuloy hanggang sa pamumuno ng kaniyang mga anak na si Vice President Sara Duterte, at Mayor Sebastian Duterte.
“Davao intelligence funds in 2011 were P109,500,000, in 2012 P113,000,000, in 2013 P115,000,000, in 2014 P120,000,000, and in 2015 P144,000,000,” ani Castro.
Binigyang diin ni Castro, ang P2.697 bilyon na alokasyon para sa confidential funds mula 2016 hanggang 2022 para sa Mayor ng Davao City ay nagamit sana pang suporta sa sektor ng edukasyon lalo na para sa benepisyo ng mga guro.
Nabigyan aniya sana ng tig-P1,000 city allowance ang tinatayang 17,000 mga guro ng lungsod sa loob ng 13 taon.
Sa testimonya aniya ni Col. Royina Garma sa pagdinig ng Quadcom, nagamit ang confidential funds bilang reward money sa drug war EJK.
Ayon kay Castro noong 2016, pinondohan ang confidential and intelligence funds ng Office of the President (OP) ng P500-M, noong 2017 ay binigyan ito ng P2.5-B, habang noong 2018 ay umabot ito ng P2.5-B, at kaparehong halaga rin noong 2019.
Noon namang 2020, 2021 at 2022 ay may pondo ito na P4.5-B na ayon kay Castro ay libong katao ang napatay sa fake drug war.
Mapapansin aniya na sa unang dalawang taon ng administrasyong Duterte ang confidential at intelligence funds ay nasa P2.5 bilyon, ngunit nang tumindi ang pag-atake sa mga kritiko, lumobo ito sa P4.5 bilyon.