MANILA, Philippines — Umaabot na sa 143 Filipino ang nabigyan ng pardon ng gobyerno ng United Arab Emirates (UAE).
Dahil dito pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed sa isang phone call.
Sinabi ni Marcos na ilang pamilya na ang nakahinga ng maluwag dahil sa pardon na ipinagkaloob ng pamahalaan ng UAE.
“It is always inspiring to hear how our Filipino workers continue to excel and make a positive contribution in the UAE. I expressed my gratitude for the kindness extended to them, particularly their generous pardon of 143 Filipinos, which has brought relief to many families,” ayon sa Pangulo.
Sa kabila nito, hindi naman tinukoy kung anong mga kaso ang kinakaharap ng mga Filipino na nabigyan ng pardon.
Pero ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega, mga minor offenses o maliliit na kasalanan lang at hindi mga nasa death row ang mga Pinoy na pinatawad ng UAE.
Sinabi ni De Vega, karaniwang nagpapatawad ang UAE sa panahon ng kanilang Eid Al Adha tuwing Hunyo, kung saan 143 na mga nakakulong na Pilipino ang binigyan ng pardon.
Samantala, nagpasalamat din ang Pangulo kay Zayed sa mga tulong na ipinagkaloob sa Pilipinas.
Hindi naman aniya maikakaila na maganda ang relasyon ng dalawang bansa.
“Our nations share strong bonds, rooted in the values and aspirations of our peoples, and I look forward to strengthening this partnership in the years ahead,” pahayag pa ng Pangulo.
Ang dalawang lider ay nag-usap sa telepono noong Lunes, Oktubre 14.