Pro-Marcos Pinoys tumaas; pro-Duterte, nabawasan

Families and individuals visit different stalls in the busy Divisoria market on October 12, 2024.
Ryan Baldemor/The Philippine STAR

MANILA, Philippines — Higit pa umanong dumami ang mga Pinoy na pro-Marcos o tagasuporta ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. habang nabawasan naman ang mga pro-Duterte o tagasuporta ni dating Pang. Rodrigo Duterte.

Ito ang lumitaw sa Tugon ng Masa (TNM) survey na isinagawa ng OCTA Research Group nationwide mula Agosto 28 hanggang Setyembre 2, 2024 at inilabas nitong Lunes lamang.

Sa nasabing survey, nasa 38% adult Filipinos ang tinukoy ang kanilang sarili bilang mga pro-Marcos. Mas mataas ito ng 2% mula sa second quarter survey na idinaos noong Marso.

Bumaba naman ang mga adult Filipinos na nagsabing sila ay pro-Duterte na nasa 15% na lamang, o mas mababa ng 1% kumpara sa nakaraang survey.

Ayon sa OCTA, mayroon ding 26% adult Pinoy ang ikinukonsidera ang kanilang sarili bilang independiyente, o ayaw matawag na ‘pro-Marcos,’ ‘pro-Duterte,’ o oposisyon. Ito ay 5% pagbaba mula sa nakalipas na survey na idinaos noong ikalawang bahagi ng 2024.

Ipinaliwanag ng OCTA na bagamat ang findings ay nagpapakita ng nominal change sa national level para sa ikatlong quarter, lumilitaw sa pag-analisa sa mga datos sa tatlong bahagi ng 2024 na mayroong tuluy-tuloy na ‘upward trend’ sa bilang ng mga taong gustong tukuyin sila bilang tagasuporta ni Pang. Marcos at tuluy-tuloy rin naman ang ‘downward trend’ sa mga taga-suporta ni dating Pang. Duterte.

Karamihan ng mga pro-Marcos ay nasa Balanced Luzon (43%); 42% sa National Capital Region (NCR), 37% sa Visayas, at 25% sa Mindanao.  Majority ng mga ito ay mula sa Class E na nasa 40% at classes ABCD na nasa 38%.

Nananatili namang maimpluwensiya ang mga Duterte sa Mindanao (48%), gayunman ang mga tagasuporta nila sa NCR ay nasa 6% lamang; 3% sa Balanced Luzon; at 12% sa Visayas. Majority ay mula sa Class E (22%), Class D (15%) at Class ABC (15%).

Show comments