MANILA, Philippines — Maaari umanong maisailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) ang testigo na nag-ugnay kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa ‘POGO big boss’ na si Lin Xunhan.
Gayunman, sinabi ni Justice Undersecretary Nicholas Felix “Nicky” Ty na depende ito sa assessment ng mga awtoridad na magsasagawa ng panayam sa kanya.
“Yung Witness Protection Program, maaari siyang mapasok, depende na sa usapan ng mga law enforcement at mga piskal na nag-i-interview sa kanya, ‘yung halaga niya sa kaso,” ani Ty, sa isang public briefing.
Sinabi pa ni Ty na ang mga ibinunyag ng testigo ay dagdag-ebidensiya lamang dahil dati na aniyang malakas ang ebidensiya nila kay Guo, hinggil sa pagkakasangkot niya sa illegal POGO industry sa bansa.
“Nasabi ko naman dagdag ebidensya lang ito. Para sa amin amin malakas naman ang ebidensya laban kay Alice Guo pero ‘pag may ganitong bagong ebidensya hindi naman kami tatanggi dyan,” dagdag pa ni Ty.
Matatandaang ibinunyag ng naturang testigo na personal niyang nakikita si Guo na nakikipag-transaksiyon kay Lin, na tinatawag umano nilang ‘Boss Boga.’
Sinabi pa nito na kilala nila si Guo bilang si Guo Hua Ping, alyas “Madam Wah.” Nalaman lamang aniya niya na si Madam Wah ay si Alice Guo, na isang alkalde pala, nang nagsasagawa na ng pagdinig sa Senado.
Aniya pa, si Lin ang nagpi-finance sa establisimyento para sa Hongsheng Gaming POGO, na malaunan ay naging Zun Yuan Technology, sa Baofu Land Compound sa Bamban.
Magka-partner umano ang dalawa ngunit mas mataas lamang umano si Lin kay Guo.
Si Lin o Lyu Dong, na umano’y “godfather” ng POGOs, ay una nang naaresto kamakailan sa isang raid sa Biñan, Laguna. Mariin naman na nitong pinabulanaan ang mga alegasyon laban sa kanya.