Mga kandidatong pro-China ‘di iboboto ng mga Pinoy
MANILA, Philippines — Karamihan ng mga Pinoy ang nagpahayag na hindi nila susuportahan sa May 2025 National and Local Elections (NLE) ang mga kandidatong pro-China.
Ito ay batay sa survey na isinagawa ng Pulse Asia, noong Setyembre 6 hanggang 13, na mayroong 1,200 respondents, at kinomisyon ng Stratbase Group.
Sa naturang survey, lumitaw na 73% ng mga Pilipino ang nagsabing hindi nila iboboto ang mga kandidato na pro-China sa midterm polls habang 5% lamang ang nagsabing susuportahan nila ang mga kandidatong pro-China.
Nasa 23% naman ang nagsabing wala pa silang desisyon kung susuportahan o hindi ang mga kandidatong pabor sa China.
Ayon sa Stratbase Group, ang resulta ng naturang survey ay nagpapakita lamang sa kawalan ng tiwala ng mga tao sa mga kandidatong kampi sa China.
Samantala, sa naturan ding survey, lumitaw na 1% lamang ng mga Pinoy ang naniniwala na ang China ay mapagkakatiwalaang partner ng bansa pagdating sa national development.
Nanguna naman ang Estados Unidos sa mga bansang most trusted partner ng mga Pinoy, na nakakuha ng 79%, kasunod ang Japan na nakakuha ng 50%.
- Latest