MANILA, Philippines — Walang tinatawag na “reward system” sa giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go sa pagsasabi pang palaging inirerespeto ni Durterte ang rule of law bilang isa ring dating abogado at tagausig.
“Walang reward system na iniimplementa noon kapalit ang buhay ng sinuman,” mariing sabi ni Go.
Dismayado si Go dahil garapalang pinupulitika ngayon ang mga nagawa ng kampanya laban sa droga ng nakaraang administrasyon.
Aniya, ang mga pagsisikap noon na labanan ang droga at minsang nagtamasa ng malawakang pag-apruba ng publiko, maging ng mga pulitiko, para mas maging mas ligtas ang mga komunidad ay binabaliktad na ngayon.
“Nakalulungkot na baliktad na ang panahon ngayon. Hinahaluan ng pulitika ang mga imbestigasyon, at binabalewala ang pinagsikapan ng nakaraang administrasyon na linisin ang bansa laban sa kriminalidad at droga para sa kinabukasan ng bayan at ng ating mga anak,” ayon kay Go.
Sinabi rin ni Go na nagsilbi siya bilang Special Assistant to the President mula nang maupo si Duterte noong 2016 hanggang Oktubre ng 2018, at ang kanyang tungkulin kailanman ay walang kinalaman sa anumang police operations o financial management sa loob ng Office of the President. Pinabulaanan niya ang mga alegasyon na nag-uugnay sa administrasyon sa mga insentibong pagpatay.
Kaugnay nito, itinuturing ni Go na isa lamang diversionary tactics ang mga alegasyon o nilalaman ng affidavit ni Colonel Garma sa pagdinig ng quad committee, naglalayong guluhin ang tunay na isyu.
Inilarawan niya ang mga pahayag bilang “malicious at unsubstantiated” at hinimok ang Senado na magsagawa ng parallel ngunit patas at walang kinikilingang imbestigasyon sa mga paratang.