MANILA, Philippines — Kinuwestyon ng mga residente ng Distrito Dos ng Marikina City kung bakit nakararanas sila ng matinding pagbaha, sa kabila ng milyun-milyong pisong flood control projects dito. Ayon sa Facebook video post ng isang netizen, napakaraming flood control projects sa 2nd District ang nakalista umano sa pangalan ni 2nd District Rep. Stella Quimbo.
Ngayon, tinatanong ng mga residente kung saan napunta ang napakalaking budget para sa mga flood control project.
Kung susumahin anila, nasa mahigit kalahating bilyong piso ang halaga ng flood control projects ang nakalaan para sa siyudad ng Marikina.
Nagtataka ang mga residente kung bakit sila binabaha kahit napakaraming proyekto. ”Pansin ko lang po, Dati di naman binabaha sa District 2.
San na po kaya flood control projects nito?” tanong ng isang netizen. Umani rin ng batikos sa video post ng Marikina's Patok Socialist Union kung saan makikita ang matinding pagbaha sa Liwasang Kalayaan malapit sa East Drive.
"Saan na ba kasi napunta yung budget para sa flood control project para dito," tanong naman ng isang Facebook user.
Pati mga taga-Cainta ay naglabas na rin ng kanilang saloobin dahill pati sila ay nakaranas na ng matinding pagbaha dahil sa ipinagawang pumping station ng mambabatas.