MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) dahil sa mabilis nitong tugon sa kanyang kahilingan na pataasin ang presyo ng coverage ng per session ng hemodialysis para sa mga miyembro ng PhilHealth.
Kamakailan lamang ay inanunsyo ng PhilHealth na ang package rate ng hemodialysis ay tumaas na sa P6, 350 per session mula sa dating P4,000 para sagutin na rin ang mga kailangang gamot habang nasa dialysis session ang pasyente.
Matatandaan na kamakailan ay inatasan ni Romualdez si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo na makipag-ugnayan sa PhilHealth para pataasin ang per session coverage sa mga dialysis patients para wala na silang ika-cash out habang sumasailalim sa dialysis treatment.
Agad naman tumugon sina PhilHealth President at Chief executive officer Emmanuel Ledesma Jr. at Health Secretary Teodoro Herbosa at inaprubahan ang kahilingan ng liderato ng Kamara.
Ayon kay Romualdez, “ito ang parating idinudulog sa aking tanggapan ng mga dialysis patients ng kung pwede raw sagutin na rin ng PhilHealth ang mga gamot na ginagamit sa bawat session nila.”
“Matutuwa nito ang maraming Pilipino dahil malaking tulong ito lalo na sa mga kababayan nating mahihirap na may chronic kidney disease (CKD). Wala na silang gagsastusin talaga”, dagdag pa ni Romualdez.
Base sa tala ng Department of Health (DOH), higit isang milyong Pilipino ang may sakit sa bato at 80 porsiyento sa kanila ay nagpapa-dialysis.