MANILA, Philippines — Makaraang i-cite in contempt ng House Quad Committee dahil sa umano’y pagsisinungaling, nagbitiw na sa kanyang puwesto si National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Edilberto Leonardo.
Ito naman ang kinumpirma ni NAPOLCOM vice chairperson Alberto Bernardo subalit hindi naman binanggit nito kung mahaharap ba sa administrative case si Leonardo.
Magugunitang inatasan ng Quad Comm na makulong sa Batasang Pambansa Complex sa lungsod ng Quezon si Leonardo matapos na itanggi nito ang pakikipagpulong bago ang pagpaslang sa tatlong Chinese drug convicts sa Davao Prison at Penal Farm noong Agosto 2016.
Ang pagpupulong aniya ay naganap sa Davao City Criminal Investigation and Detection Group Office na dinaluhan noon ni Davao Prison and Penal Farm Chief Gerardo Padilla at retired police colonel Royina Garma pero nagmatigas si Leonardo at sinabing walang naganap na anumang pagpupulong.
Sa pagdinig ng Quadcom, kumambiyo na rin si retired police colonel at dating PCSO general manager Royina Garma sa kanyang pahayag batay sa isinumite nitong affidavit sa Quad Comm kung saan direkta nitong tinukoy na si dating Pangulo Rodrigo Duterte ang may pakana sa pagpapatupad ng nationwide campaign na nagresulta sa extrajudicial killings sa mga drug suspects sa ilalim ng kaniyang termino.
Sinabi ni Garma na kaniyang inirekomenda ang kaniyang upperclassman sa PNPA na si Leonardo na nuon ay naka-assign sa CIDG.
Inatasan si Leonardo na bumuo ng specialized task force matapos makipagpulong kay ex-PRRD.
Ibinunyag din nito ang reward system at ang pondo ay idinadaan sa bank accounts ni Peter Parungo isang dating detainee.
Sinabi din ni Garma na mismong si Leonardo ang nagrereport ng lahat ng namatay mula sa police operations para maisali sa weekly reports at upang masiguro na ma-refund ang mga operational expenses.
Sinabi ni Garma na si Leonardo ang tumutukoy kung sino ang isasama sa listahan ng mga drug personalities at kung sino ang tatanggalin sa listahan.