MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang Pinoy na nasaktan sa dalawang air raid na isinagawa ng Israeli army sa Beirut, Lebanon noong Oktubre 10.
“Sa ngayon, wala tayong napapabalitaan na nasaktan o nasawing Pilipino sa mga attack sa Lebanon, whether in southern Lebanon or in Beirut,” ani DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa Saturday News Forum sa Quezon City.
Nasa 22 ang nasawi at 117 ang nasaktan nang tumama ang inilarawang pinaka “deadliest” attack sa mataong lugar sa nagaganap na labanan.
Matatandaang nagpalabas ng advisory para sa Pilipino Philippine Embassy sa Beirut na iwasan ang mga lugar na Ras al-Nabaa at Noueiri dahil sa air strike.
Ayon kay Cacdac, karamihan sa 11,000 Pilipino sa Lebanon ay naninirahan at nagtatrabaho sa kabisera ng lungsod.
Sa kasalukuyan, humigit-kumulang 570 ang nagpahayag ng kanilang interes na kusang umalis sa Lebanon, 221 sa mga ito ay nakakuha na ng mga flight mula Oktubre 12 hanggang 28.
Ang mga exit paper ng natitirang 350 ay pinoproseso na ng Philippine Embassy.
Nasa 178 Pinoy ang kinakalinga at dinala sa hotel at shelter sa Lebanon.