MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Sabado na gagawin ng gobyerno ang lahat ng maaring tulong sa pamilya ng isang Filipino nurse na namatay dahil sa car accident sa Abu Dhabi.
Sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ang mga kinatawan mula sa DMW at Department of Foreign Affairs (DFA) ay tutulak patungong Abu Dhabi para masaksihan mismo ‘yung imbestigasyon ng mga awtoridad ng UAE.
Sa lalong madaling panahon ay plano nang magtungo ng kinatawan ng DMW kasama ang mister ng nasawing si Reyna Jane Ancheta na si Kennet Paul Ancheta, upang masiguro na makuha na ang labi ng maybahay at kung maari ay kasabay niya sa pabalik sa Pilipinas.
Kailangan lamang aniya na makumpleto ang visa requirements at travel documents ni Kennet Paul.
Una nang nagpahiwatig si Kennet Paul ng pagdududa sa pagkamatay ng misis dahil sa hindi na niya makontak ito sa loob ng tatlong araw bago pa matagpuan ang bangkay at kung bakit walang cellphone at Emirates ID na nakuha sa pinangyarihan ng aksidente.