MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Bureau of Immigration (BI) kamakalawa ng gabi ang itinuturing na “big boss” ng Lucky South 99 na nag-o-operate ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga.
Ayon kay PAOCC chief Usec. Gilbert Cruz, si Lyu Dong alyas Hao Hao, Boss Boga, Boss Apao, at Boss Bahaw ay naaresto sa Las Villas De Manila sa Arsobispo Street, Southwoods sa Biñan City bandang alas-8 ng gabi nitong Huwebes.
Kuwento naman ni PAOCC Spokesperson Winston Casio, agad nilang tinungo ang nasabing subdibisyon at nag-antabay sa paglabas ni Lyu Dong kasama ang 12 pang foreign nationals na umano ay mga “boss” ng POGO at anim na Filipino na mga bodyguard nito. Dinamba at pinosasan sa bisa ng mission order na inisyu ng BI.
“Malaking bagay ito. Isa-isa na nating natutugis ‘yung mga big bosses... Kahit makapagpakulong tayo ng ilang libong Chinese workers... hindi sapat ‘yun kung hindi tayo makapagpakulong ng big bosses,” ani Casio.
Bukod sa Lucky South 99 at Hongsheng/Zun Yuan sa Central Luzon konektado rin ang mga suspek sa dalawang POGO sa Ilocos Sur, dalawang POGO sa CALABARZON at mga ‘scam farm’ sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang iba’t ibang IDs, sangkaterbang cell phones, mga computer, cash money at tatlong hindi lisensyadong baril.
Naniniwala ang PAOCC na ang pagkakadakip kay Lyu Dong ay malaking puntos upang tuluy-tuloy nang mabuwag ang mga illegal POGO hubs sa bansa.
Agad na itong dinala sa detention facility ng PAOCC sa lungsod ng Pasay para sa inquest procedures.
Inihahanda na ng PAOCC ang mga kasong isasampa laban kay Lyn Dong habang isasailalim sa imbestigasyon ang mga kasama nitong dayuhan.