MANILA, Philippines — Ibinunyag kahapon ng umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa sa House Quad Committee na pinilit siya ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na noo’y hepe ng Philippine National Police (PNP) na idawit si dating senador Leila De Lima sa isyu ng illegal drug trade.
Batay sa affidavit ni Espinosa, dumanas sila ng hirap at pananakot sa administrasyong Duterte nang maaresto sa Abu Dhabi, United Arab Emirates taong 2016 at pinabalik ng Pilipinas.
Isa aniya si Dela Rosa sa mga sumundo sa kanya at habang sakay ng bulletproof na sasakyan, sinabihan siyang idawit si De Lima at si Peter Lim sa illegal drug trade.
“Isa sa sumundo sa akin ay si General Bato dela Rosa, kung saan sinabi niya sa akin na idawit ko si Peter Lim sa kalakaran ng droga sa Pilipinas. Pati na din daw si Leila de Lima para madiin. At bago pa man ‘yon, pinilit nila ako na umamin na ako ay may kinalaman sa droga,” ani Espinosa.
Inutusan umano siya ni Dela Rosa na sundin ang lahat ng kanilang ipagagawa kung ayaw nitong matulad sa nangyaring pagkamatay ng kanyang amang si dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr. noong Nobyembre 5, 2016. Nasa Malaysia siya nang mangyari ang pamamaslang.
Sinabihan din siya ni Dela Rosa na ang utos ay galing sa ‘taas’ at alam na noo’y Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang drug operations.
Apela nito kay Dela Rosa, iwasang gumawa ng scenario ng dahil lamang sa pulitika habang may buhay na nasisira.
“‘Wag na nating gawin na pilitin na gumawa ng kwento para lang ma-pin down ang isang tao, ‘yon lang po ang mabigay ko kay Senator Dela Rosa,” ani Espinosa.
Panawagan naman ni Espinosa sa dating pangulong Duterte na magsagawa ng validation sa bawat report upang maiwasang makasakit ng iba.
Humingi rin ito ng tawad kay De Lima sa kanyang pagharap sa pagdinig ng quad comm.