MANILA, Philippines — Malakas ang paniniwala ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na ang naarestong POGO ‘boss’ ng sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga ay kabilang sa mga indibiduwal na umano’y kinatatakutan at ayaw tukuyin ng sinibak na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa congressional hearings.
Ayon kay PAOCC Executive Director Gilbert Cruz, tinitignan na nila ang anggulo na si Lin Xunhan na mas kilala sa pangalang Lyu Dong, Hao Hao at alyas Boga ang Chinese na kinatatakutan ni Guo at nasa Pilipinas pa.
“Ang madalas naman kasi na binabanggit ni Alice sa mga hearings, ito ‘yung mga wala na sa atin, ‘yung mga nasa abroad,” ani Cruz.
Ang di umano’y ‘big boss’ na si Lyu Dong, kilala rin bilang Boss Boga, Boss Apao, at Boss Bahaw ay inaresto, Huwebes ng gabi sa isang residential subdivision sa Laguna.
Ang pag-aresto kay Dong ay bunsod ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Immigration, Department of Justice, Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at Inter-Agency Council Against Trafficking.
Tinuran pa ni Cruz na maaaring bansagan si Dong bilang “kingpin of POGOs” sa Pilipinas. Dumating si Dong sa bansa noong 2016 at kagyat na nakapagtayo ng iba’t ibang POGOs sa Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, at Metro Manila.
“Marami siyang itinayong mga POGO at tinitignan natin ‘yung involvement niya,” dagdag pa ni Cruz.
May Ilan aniyang POGOs na itinayo ni Dong ang pinaniniwalang nananatiling nago-operate.
Ani Cruz, itse-check nila sa Chinese Embassy kung sangkot si Dong sa ibang krimen sa Tsina.