MANILA, Philippines — Ipinaaresto ng Quad Committee ng Kamara ang misis ni dating presidential Spokesman Harry Roque na si Mylah Roque dahil sa ilang beses na hindi pagdalo sa mga pagdinig dahilan para siya i-contempt.
Una nang ipinatawag ang mag-asawang Roque sa isinasagawang imbestigasyon ng Kamara hinggil sa umano’y kaugnayan nila sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Nais ng panel na pagpaliwanagin si Mylah sa papel nito sa paglagda sa lease agreement sa isang Chinese national na isinasangkot sa POGO complex sa Bamban, Tarlac.
Nauna nang iginiit ni Harry Roque na ang pagsu-subpoena ng mega panel sa kaniyang Statement of Liabilities and Net Worth (SALN), tax returns at iba pang mga dokumento ng kaniyang mga ari-arian ay wala umanong kinalaman sa imbestigasyon.
Kaugnay nito, pinatawan din ng Quad Comm ng contempt si P/Senior Master Sgt. Jeremy Causapin, ang pulis na naging tauhan ni dating PCSO general manager Col. Royina Garma.
Si Causapin umano ang inuutusan ni Garma na magpapalit ng malaking halaga ng pera ng Pilipinas sa dolyar na ipinadadala sa dati nitong mister na si Col. Roland Vilela noong military attache pa ang huli sa Estados Unidos sa kasagsagan ng giyera kontra droga. Ang transaksyon ay nagkakahalaga ng P200,000 hanggang P300,000.
Si Causapin ay nabigong matagpuan ng PNP sa tinitirhan nito para paharapin sa pagdinig ng Quad Comm at sa halip ay naghain ng resignation sa organisasyon sa liham na iniabot ng misis nito sa mga operatiba ng pulisya.
Una na ring sinibak ng PNP si Causapin kaugnay ng pagkakadawit nito sa pagpatay kay dating PCSO Board Secretary Wesley Barayuga na inambush sa Mandaluyong City noong Hulyo 2020 sa utos ng itinuturong mastermind na si Garma at ng nagbitiw na si NAPOLCOM Commissioner Edilberto Leonardo.
Sa kasalukuyan ay patuloy pang pinaghahanap ng mga operatiba ng PNP si Causapin na nagtatago na.