400 Pinoy sa Lebanon, naghihintay ng clearance para mai-repatriate
MANILA, Philippines — Nasa 400 Pinoy pa na naiipit sa giyera sa Lebanon, ang naghihintay ng clearance mula sa Lebanese immigration bago tuluyang mai-repatriate sa Pilipinas.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, nakatakda na rin nilang i-repatriate ang nasa 213 Pinoy, sakay ng commercial flights mula sa Lebanon. Kasama rito ang mahigit 20 sa kanila na makakauwi na ngayong weekend.
Ipinaliwanag ni Cacdac na kinailangan nilang isakay sa iba’t ibang commercial flights ang mga pauuwiing Pinoy dahil mahirap magpa-book ng maraming pasahero.
Aniya, tatlong magkakahiwalay na flights ang nakuha nila para sa OFWs.
Nagsasagawa rin umano ang mga awtoridad ng roving operations sa Beirut at iba pang lugar upang matiyak na ang mga Pinoy na apektado ng tensiyon, ay may maayos na matutuluyan.
Ani Cacdac, kabuuang 178 Pinoy na ang kasalukuyang nananatili sa temporary shelters.
Nilinaw naman ni Cacdac na nananatili pa ring boluntaryo ang repatriation ng mga Pinoy sa Lebanon sa ngayon.
Gayunman, tiniyak ni Cacdac na handa silang magpatupad ng mandatory evacuation kung kakailanganin.
- Latest