MANILA, Philippines — Inihayag ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang mahigpit n’yang suporta sa domestic poultry industry sa harap ng nagpapatuloy na problema ukol sa smuggling o pagpupuslit ng imported na karne sa lokal na merkado.
Ito ang binigyang-diin ni Tolentino sa kanyang panayam kay Gregorio San Diego, pinuno ng United Broiler Raisers Association (UBRA) sa regular na programa ng senador sa radyo, ang ‘Usapang Tol.’
Ayon kay San Diego, bukod pa sa 480 milyong kilo ng frozen chicken na papasok sa isang taon at 460 milyong kilo ngayong taon, dumadaing din ang mga lokal na prodyuser ng manok sa ‘di maampat na smuggling ng naturang produkto.
Bilang tugon, siniguro ni Tolentino kay San Diego na kanyang tatalakayin ang hinaing ng kanilang industriya kay Kalihim Francisco Laurel ng Department of Agriculture (DA).
Ani Tolentino, naimbitahan siya bilang panauhin sa paggunita ng DA sa 31st Meat Safety Consciousness Week, kung saan makakasama niya si Laurel.
Kaugnay nito, idinulog ni San Diego na kung maaari’y busisiin ng senador kung paano sinisira ng mga awtoridad ang mga nakumpiskang smuggled meat dahil sa pangamba na maaaring nare- ‘recycle’ ang mga ito.
Sa tugon ni Tolentino, sinabi nito na dapat lang na hindi na muling maipuslit sa merkado ang mga kontrabando, dahil sa panganib nito sa kalusugan at komunidad.