MANILA, Philippines — Inamin ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na nahihirapan silang matunton si dating Presidential spokesman Atty. Harry Roque.
Ayon kay CIDG Spokesperson Lt. Col. Imelda Reyes, mayroon silang mga lead na kinaroroonan ni Roque subalit mabilis itong nakakalipat ng lugar tuwing isasagawa ang pag-aresto.
Sinabi naman ng Bureau of Immigration na hindi pa nakakaalis ng bansa si Roque at wala silang record na bumiyahe ito.
Si Roque ay na-cite in contempt ng Quad Comm ng Kamara noong Setyembre 13 matapos tumangging magsumite ng mga dokumentong magpapaliwanag sa kanyang tumaas na yaman.
Tinawag naman ni Roque na “power tripping” ang quad comm kasunod ng contempt at arrest order na inilabas laban sa kanya dahil sa umano’y kaugnayan niya sa mga iligal na operasyon ng Philippine offshore gaming operators (POGO).
“Hindi ako pugante dahil ako po ay lumabag sa batas. Pugante ako sa Kongreso lamang, wala po akong pakialam. Hindi po tama ‘yung ginagawa nila, pasigaw-sigaw, kapag ayaw ng sagot contempt kaagad. Nagpa-power tripping na po sila,” ani Roque.