MANILA, Philippines — Tiniyak ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na patuloy ang kanilang operasyon laban sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) kung saan tinatayang nasa 58 hanggang 200 ang nagpapatuloy ng operasyon sa bansa.
Ayon kay PAOCC spokesperson Winston Casio, marami pa rin silang natatanggap na mga report na operasyon ng mga POGOs legal man o illegal.
Sinabi ni Casio na tinututukan nila ang POGOs kasunod ng pahayag at kautusan ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na wala nang POGOs bago matapos ang taon.
Subalit naniniwala ang PAOCC at DOJ na dapat nang nakasara ang lahat ng POGOs sa Oktubre 16 at pawang administrative work na lamang.
Una na ring inabisuhan ng Bureau of Immigration ang mga foreign POGO workers na i-downgrade ang kanilang mga visa sa visitor visa mula sa working visa hanggang Oktubre 15.
Nabatid na mahigit 10,000 POGO workers na ang nagsumite para sa visa downgrading. Giit ng BI, sinumang foreign workers ang hindi magdowngrade hanggang Disyembre 31 ay idedeport o iba-blacklist.
Samantala, siniguro rin ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na sarado na ang operasyon ng POGOs sa bansa sa Disyembre kabilang ang POGO sa Island Cove na dati nilang pagmamay-ari.